Gaano nga ba kahalaga ang boto ng Pilipino?

Sabi ng marami, pag ang isang tao ay hindi bumoto, wala itong karapatang magreklamo.
Dahil hindi man lang nya sinubukang iluklok ang sa tingin nya’y karapat dapat na umupo sa pwesto
Pero paano pag bumoto nga, hindi naman marunong sumunod sa batas ng bansa?
Maituturing pa rin bang may saysay ang pagbotong kanyang ginawa?
Wala ring kwenta, di ba?

Gaano nga ba kahalaga ang boto ng Pilipino?

Kung pagkatapos mong bumoto ay hindi mo magawang irespeto ang batas trapiko
Kung pagkatapos ng halalan ay papahirapan mo ang kapwa mo sa pagparada sa hindi dapat paradahan
Kung ikaw mismo ang sanhi ng sakit ng ulo ng sarili mong kababayan
Wala ring kwenta, di ba?

Gaano nga ba kahalaga ang boto ng Pilipino?

Kung pagkahulog ng balota ay itatapon lang kung saan saan ang pinambalot ng kinaing meryenda
Kung ang sigarilyong dapat pampa kalma ay nagiging rason para maging kalat sa kalsada
Kung maduming usok na ang lumalabas sa sasakyan mo at wala kang paki alam sa kapakanan ng kalikasan
Wala ring kwenta, di ba?

Gaano nga ba kahalaga ang boto ng Pilipino?

Kung kulang sa gawa at inisyatibo, pero sagana sa ngawa at reklamo?
Kung ang simpleng alintuntunin ay hindi man lang masunod at mairespeto?
Kung lahat ng masamang bagay na mangyayari sa buhay natin ay isisisi natin sa gobyerno?
Wala ring kwenta, di ba?

Mas nakakabilib ang taong hindi bumoboto pero marunong sumunod at rumespeto sa batas ng Pilipinas
Dahil katumbas ng hindi nila pag boto ay pang araw araw na disiplinang buong pusong ipinamamalas
Sila ang may karapatang magreklamo kung tutuusin, ‘Comply before you complain’ ika nga
Kasi kahit anong sunod nila sa batas ng bansa, patuloy ang pagdating ng tadhanang bilasa

Gaano nga ba kahalaga ang boto ng Pilipino?

Simple lang ang kasagutan: nakapahalaga ng boto ng Pilipino.
Basta susundan ito ng paggalang sa batas at paggawa ng tama.
Kahit walang nanonood, kahit walang nagmamasid.
Dahil sa pagsara ng mga balota, disiplina sa sarili at malasakit sa bayan ang dapat manaig.
Bigyang saysay ang boto.
Baguhin ang sarili bago ang daigdig.

May kwenta ba ‘to? Sana meron…

Be the first to comment

Leave a Reply

Your email address will not be published.


*